2:05 AM
0
Ang Dakilang Katayuan ni Eugenio Lopez Sr.




Maikiling Biograpiya:

Sa pagsisimula ng isang istorikong siglo, noong Hunyo 20, 1901, naipanganak ang unang anak nina Presentacion Hofileña at Benito Lopez sa Jaro, Iloilo at pinangalanan siyang Eugenio. Sa paglaki, siya ay tinawag na Eñing ng kanyang mga kaibigan at kakilala. Nag-aral siya ng mataas na paaralan sa Ateneo de Manila kung saan siya ay nakatanggap ng mataas na parangal. Pumasok siya sa Unibersidad ng Pilipinas at nakakuha ng bachelor of laws degree noong 1923 at nagpatuloy sa pag-aaral sa Harvard University.

Pagbalik niya sa bansa noong 1928, nakilala niya si Pacita Moreno na kanyang pinakasalan. Lima ang naging anak nina Eugenio at Pacita. Apat na lalaki na sina Eugenio Jr., Oscar, Manolo at Roberto at isang prinsesang babae na si Presentacion. Malaki ang kahalagan ni Eñing sa pamilya. Minahal niya ang kanyang asawa at ang kanyang mga anak hanggang siya ay namatay. Minahal din niya ang kanyang kapatid na si Don Fernando. Ang relasyon nilang magkapatid ay kakaiba dahil sila ay para bang naging soul mates. Minahal at nirespeto nila ang isa't isa at sila ay sabay na naging matagumpay sa kanilang propesyon dahil sa pagtutulungan nila sa isa't isa.

Nagsimula ang pagnenegosyo ni Eñing noong muli niyang binuhay ang dalawang pahayagan: El Tiemo at Iloilo Times. Sabay nito, silang magkapatid ay ang nagpatakbo ng hacienda na iniwan sa kanila ng kanilang magulang. Ito ang simula ng pag-usbong ni Eugenio Lopez. Nabukas ang kanyang isip sa pagiging isang negosyante na nagbukas ng ilang mga kauna-unahang kumpanya sa Pilipinas. Ginamit niya ang mga pahayagan na ito upang kalabanin are korupsyon ng mga pulitikal na opisyales sa Iloilo City.


Ilang mga negosyo ni Eugenio:

Ang unang negosyo niya na nagsimula noong 1932 ay ang Iloilo Transporation Company kung saan nagdala siya ng mga bus na dalawang lebel ang sakayan. Sa lalong madaling panahon, ipinasok niya ang taxi service sa Iloilo at ang Panay Autobus Company. Dahil matagumpay na ang mga negosyo niya sa lupaing transportasyon, tumungo naman siya sa dagat at ipinakilala ang Iloilo Shipping Company na naging unang pamasaheng sakay mula Iloilo papuntang Negros. Bukod sa transportasyong lupain at dagat, tumungo siya sa himpapawid at itinayo niya ang Iloilo-Negros Air Express Company (INAEC). Bukod sa mga negosyong transportasyon, ipinakilala din niya ang unang teatro sa Iloilo na mas malaki pa sa pinaka malaking teatro sa Maynila noon, ang Far Eastern Air Transport, Inc. (FEATI), anf Negros Navigation Company at ilang Iloilo City Colleges. Upang idagdag pa ay ang pagtatag ng Philippine Portland Cement Company; pagkamit sa The Manila Chronicle at pagtatag ng Chronicle Broadcasting Network (CBN); pagkuha sa Binalbagan-Isabela Sugar Company (BISCOM); pagkuha sa Alto Broadcasting System (ABS); initayo ang Benpres Corporation, Meralco Securities Corporation (First Philippine Holdings Corp.), Eugenio Lopez Foundation at Lopez Museum, at pagkuha sa Philippine Telephone and Telegraph Company (PT&T). Iilan lamang ito sa kanyang mga negosyo. Marami pa siyang nabuong negosyo sa real estate, agrikultura, insurance, hotel at fuel processing at supply.


Ang pagkuha sa MERALCO:

Ang pinaka-historikal na nagawa ni Eugenio Lopez ay ang pagkuha ng MERALCO sa taong 1961 mula sa mga Amerikanong mayari nito. Nagawa niyang palakihin ang generating stations mula 318,000 kilowatts at naging 1,521,000 kilowatts sa loob ng anim na taon. Ang mga negosyo at industria na nagawa ni Eugenio Lopez ay may malaking impluwensiya sa paglaganap ng ating bansa. Napalaganap niya ang industria ng transportasyon hindi lamang sa lupain na transportasyon kundi pati sa dagat at himpapawid. Napagsama niya ang CBN at ang ABS na isa sa pinakamalaking broadcasting companies ngayon. Ngunit, ang lahat ba na ito ay ginawa niya para sa kapakanan lang talaga ng bansa or para sa kanya at sa pamilya niya lamang? Paano niya naipasok lahat ng kumpanyang ito at saan niya nakuha lahat ng pera sa pagnegosyo?

Halata naman na malaki nga talaga ang nagawa ni Eugenio Lopez para sa ating bansa ngunit nakakagulat kung paano naging matagumpay ang lahat ng kanyang negosyo. Si Eugenio ay nanggaling sa isang prominenteng pamilya. Sa panahon pa lang ng kanyang lolo na si Eugenio Lopez makikita na mayaman na ang pamilyang Lopez dahil noon pa lang ay pamilyar na sila sa mundo ng pagnenegosyo. Namana lang nina Eñing at ni Fernando ang negosyo ng kanilang ama sa pagiging haciendero at dito nagsimula ang pagiging prominenteng negoysante si Eñing. Ngunit, mayroong mga sanggunian na nagsasabi na umusbong si Eñing dahil nakipagkampi siya sa ilang mga kriminal para kunin ang pinakamalking bus company sa Iloilo. Siya rin ay may ugnayan sa gobyerno tulad ng ugnayan niya kay Manuel Quezon at siya ang naging "political broker" nito. Pagkapasok rin ng kanyang kapatid na si Fernando sa pulitika, malaki rin ang tulong ang nagawa nito sa pagiging matagumpay ang mga negosyo ni Eñing. Maraming sanhi kung bakit naging isa sa mga dominanteng negosyante si Eñing. Isa na ay ang panggagaling sa isang elite na pamilya at isa pa ay ang pagkakaroon ng ilang koneksyon sa gobyerno upang makamit ang lakas at pangingibabaw sa mga negosyo at industria


Pakikipaglaban sa Diktaturyang Marcos





Pre-Marcos era

Noong nasa kalakasan si Eñing, at malapit na masara ang kasunduan sa pagkuha sa MERALCO, nagkaroon ng bagong presidente na si Diosdado Macapagal. Malaki ang kahalagahan ng pagkakaroon ng baong presidente sa kalakasan ng negosyo ni Eñing dahil nawala ang mga koneksyon niya sa gobyerno at ang alyansa niya kay Carlos Garcia. Inatake ni Macapagal ang mga Lopez at kinasuhan sila sa kurupsyon, hindi pagbayad ng back taxes at pagkakaroon ng utang sa gobyerno mula sa government loans. Dahil dito at ilan pang problema, umalis si Eñing sa negosyong asukal at ibinenta rin ang ilang mga kumpanya tulad ng BISCOM, Pasumil at PPIC sa Transpacific Planters Investment Corporation (TPIC). Ipinagpatuloy ni Macapagal ang laban sa magkapatid na Lopez at umabot pa sa punto na ipinatanggal si Macapagal si Eñing sa board at pumili ng bagong presidente ng MERALCO ngunit hindi ito ipinatupad ng board kahit na sinabi ni Macapapagal na tatanggalan niya ng lisensya ang MERALCO sa pagbigay ng kuryente.


Alyansang Marcos-Lopez

Lumaki nang lumaki ang paglalaban ni Macapagal sa mga Lopez na sa pagdating ng halalan, gumawa ng alyansa ang mga Lopez laban kay Macapagal. Lumakas ang Partida Nacionalist sa paglipat nina Marcos, at Pelaez. Dito nagsimula ang alyansa ni Marcos at ang magkapatid na Lopez at dahan-dahang sumipsip si Marcos sa tulong ng kanyang asawa sa mga mayayaman na Lopez. Noon pa man lumabas ang tunay na repyutasyon ni Imelda, iniyakan niya si Fernando na maging running mate ni Marcos. Ayaw talaga ni Fernando na tumakbo bilang bise-presidente ngunit bumigay siya sa pakikiusap ni Imelda na tumakbo. Sa katagalan, magsisisi si Fernando sa kanyang dedisyon sa pagtakbo bilang bise-presidente ni Marcos. Ginamit lamang ni Marcos ang mga Lopez para umangat at para lumakas pa. SiEñing ang tumulong sa pagbayad ng pagkakanditato ni Marcos at ni Fernando. Dahil sa pagiging popular ni Marcos at siya ang nanalo bilang presidente at si Fernando ang naging bise-presidente. Nasira ang alyansa na Marcos-Lopez noong 1971 dahil sabi ni Marcos na nagdedemanda daw ang mga Lopez na bigyan ng concessions at sa kabilang banda, sabi ng mga Lopez na nagdedemanda si Marcos na bigyan ng mga shares ng kumpanya.


Martial Law at ang Kamatayan ni Eugenio Lopez Sr.

Bago pa man naideklara ni Ferdinand Marcos are martial law, napansin na ni Eñing ang kalibugan nina Marcos at Imelda sa pera at kalakasan at ipinakita niya ito sa ilang mga editorial cartoon na lumabas sa The Manila Chronicle. Mas uminit pa ang dugo ni Marcos dahil dito at sa pagdeklara niya ng Martial Law, kinuha ng gobyerno ang ABS-CBN at ang The Manila Chronicle sa kamay ng mga Lopez. Subalit, ang pinakamasakit na tira ni Marcos ay ang pagbili niya sa MERALCO mula sa mga Lopez sa halagang 10,000 pesos. Ito ang pinakamalaking kawalan ng Lopez dahil ito ang pangunahing pinagkukunan ng pera. Hindi makalaban ang mga Lopez sa nagawa ni Marcos dahil sa oras na iyon, ang panganay na anak ni Eñing na si Geny at si Sergio Osmeña III ay hawak ni Marcos bilang mg bilanggo. Sa unang pagkakataon, wala na talaga magawa si Eñing laban sa gobyerno. Nawala sa kanya at sa kanyang pamilya ang buong imperyo na kanyang pinaghirapan. Tumungo na lang siya sa Estados Unidos kasama ang kanyang pamilya at dito siya namatay noong Hulyo 6, 1975.


Ang Madilim na Nakaraan ng mga Lopez




Maraming nakaaalam sa mga tagumpay ni Eugenio Lopez sa pagpapatakbo ng mga negosyo. Galing sa tagapagtakbo ng mga bus sa kanyang probinsya hanggang sa pagpapalaganap ng pinakamalakas na mga kompanya sa industriya ng kuryente, agriculture at iba pa, kahanga-hanga naman talaga ang kanyang mga ginawa. Subalit minsan lang nabibigyan ng pansin ang kanyang kapatid na si Fernando Lopez. Malaking papel ang ginanap ni Fernando sa pagusbong ni Eugenio at ng pamilya Lopez sa kanyang mga negosyo.

Kung si Eugenio ay napapunta sa pagpapalaganap ng mga negosyo, si Fernando naman ay pumasok sa larangan ng pamumulitika. Ito ay nagsimula noong 1945, kung kalian pinili siya ni Sergio Osmena upang maging mayor ng Iloilo. Dahil ang mga Lopez ay makapangyarihan at prominente sa lugar na ito, may tiwala si Osmena sa pagpili niya ng tagapagpamahala ng lungsod na iyon. Maganda ang ipinakita ni Fernando at mabilis siyang umakyat sa mga posisyon. Makalipas ang ilang maikling taon ay naging kalihim siya para sa agrikultura ng Pilipinas. Pagkatpos ng posisyon na iyon, siya rin ay naging senador ng dalawang beses at nagtapos ang kanyang pagaakyat sa posisyon ng bise president ng Pilipinas kasama ni Ferdinand Marcos.

Naging malaking bagay ang pagiging pulitiko ni Fernando. Sa panahon ng kaniyang pagkaupo sa pwesto, laganap ang paghahanap ng “rent”, isang pamamaraan kung saan ang mga batas at regulasyon ng estado ay may pinapaboran. Sa pamamagitan ng “rent,” nasisisguro ang pagluklok o ang pagupo sa pwesto sa gobyerno. Sa ganitong halimbawa, lahat ng mga isinagawa ni Fernando ay pinapaboran ang mga negosyo ni Eugenio. Noong naging kalihim ng agrikultura si Fernando, binigyan niya ng espesyal na pribilehiyo ang negosyo ng mga Lopez. Dahil dito, nagkaroon rin ng kapital si Eugenio upang makapasok sa iba’t ibang industriya. Kabilang sa mga maraming nabili niya ay ang unang kumpanya ng mga eroplano sa Pilipinas, kumpanya ng mga barko.

Ang paglawak at paglaki ng mga negosyo ni Eugenio ay kasama sa pag-angat ni Fernando sa kanyang posisyon. Dahil sa kapangyarihan ni Fernando, natulungan at naging madali ang pagnenegosyo ni Eugenio. Ang pagiikot ng pera, paglalabas ng mga papeles at iba pa ay naging mabilis dahil sa kapangyarihan ni Fernando sa gobyerno.

Sa makatuwid, ang estado noong panahon na iyon ay mahina at naging plataporma lamang para abusuhin ng mga taong nasa posisyon at mga kanilang kilalang may negosyo. Kung titingnan natin, ang mga malalakas na negosyo noong panahon na iyon ay ang mga pamilyang “elite”. Kahit sa panahon ni Ferdinand Marcos ay mas lalo lamang napalaganap ang paghahanap ng “rent” at ang paghihina ng estado. Sa mga panahong ito lalong umusbong ang mga pamilyang, Cojuangco, Lopez, Osmena, at iba pa ay dahil sa kanilang mga koneksyon at relasyon sa administrasyon ni Marcos at kay Marcos na rin mimso.

Sa ngayon, laganap pa rin ang mga epekto ng mga nangyari noong nakaraan. Ang mga mayayaman ay mas lalong yumayaman habang ang mahihirap ay halos walang pagkakataon na bumangon sa siklo ng kanilang buhay. Ito na ay naging sistema at struktura ng Pilpinas at mahirap itong baguhin.

Iba pang epekto ay ang magulong kalagayan ng mga pulitko dito sa Pilipinas. Masyadong malaki ang impluwensiya ng mga “elite” dahil lamang masyadong malawak ang kanilang kapangyarihan. Sila mismo ang nagdidikta sa galaw ng mga “political party” at sila rin ay nasusunod dahil sila ang may pera at kapangyarihan. Mga halimbawa nito sa kasalukuyang panahon ay sina sina Lucio Tan at Manny Pangilinan na nakakalusot sa kung anu-anong bagay para lamang umusbong ang kanilang mga negosyo.

Lahat ng ito ay pinasimunuan ng mga Tulad ng mga Lopez kaya kahit maganda ang kasalukuyang ginagawa nila, hindi maganda ang pangkalahatang epekto ng nangyari noong nakaraan. Ang Pilpinas ay nabaon sa isang kalagayan kung saan lugi ang karamihan at walang pagkakataon para ayusin. Kung ang hamon sa ating bansa ay alisin ang kahirapan, malayo pa ito sa kasalukuyang kalagayan nating lahat.


Pagsusuri sa mga Lopez




Iba-ibang Aklat, Iba-ibang Kuwento

Habang nagsasaliksik sa buhay ni Eugenio Lopez Sr., nakita ng grupo ang malawak na pagkakaiba sa pagitan ng mga proposisyon sa mga aklat na sinulat ng kanyang pamilya at ng ibang aklat na tumuligsa sa mga gawain ng kanyang pamilya. Tulad ng iba pang mahahalagang pangyayari sa kasaysayan, isyu pa rin ang perspektibo at punto de bista ng manunulat sa pagdetermina ng katotohanan sa likod ng mga pangyayari. Sa gayon, hindi natin malaman kung dapat ba nating ituring dakila, bayani, at huwaran si Eugenio Lopez at ang kanyang buong angkan. Dapat ba natin silang ituring na mga bayaning nagtulak sa Lipunang Pilipino upang umangat sa mas mataas na lebel ng kahusayang-panlipunan? O dapat lang ba natin sila tignan bilang isang pamilyang sumubok panatilihin ang kanilang kapangyarihan, katayuan at kayamanan sa lipunan na sa proseso ay tila aksidenteng nakatulong sa lipunan? Balikan muna natin sandali ang mga puntong naitaguyod sa mga naunang entries.


Kontribusyon ng mga Lopez

Nabanggit sa unang bahagi ng blog ang mga kontribusyon ng mga Lopez sa lipunan. Nandiyan ang samu’t saring negosyong naitaguyod nila na malamang ay nakatulong sa pagusbong ng ekonomiyang Pilipino. Upang magbigay ng halimbawa, ang MERALCO, isa sa mga pinakamaipagmamalaking institusyong ginawa ng mga Lopez ay ang nagging unang “billion-peso” company na nagbigay ng trabaho sa libu-libo nating mga kababayan. Mula sa maka-Lopez na aklat ni Jose Abueva, ‘Pioneering Entrepreneur and Business Leader’, pinalabas na natural na sa angkan ng mga Lopez ang kagalingan sa larangan ng negosyo. Kumbaga ito ay nananalaytay na sa kanilang dugo. Base rito, parang pinapalabas na ang mga salik na nagluklok sa mga Lopez sa kapangyarihan, higit sa pulitika at impluwensiya sa lipunan, ay ang kanilang talento at ang pagpupursigi.


Sa kabilang dako, nakatulong din ang mga Lopez sa lipunan sa pamamagitan ng dalawang bagay: 1) sa mga personal na pagkakawang-gawa nila at 2) sa mga ibang institusyon na ang hangarin ay palakasin ang kalayaan sa pamamahayag tulad ng Manila Chronicle at ABS-CBN na walang takot na namamahayag ng tapat at tumutuligsa sa gobyerno upang sugpuin ang korupsyon sa lipunan. Bilang personal na pagkakawang-gawa, ilan sa mga ginawa ng mga Lopez ay ang pagpapagamit ng kanilang mga bahay bilang ospital noong panahon ng Iloilo Plague, ang pagpapatayo ng mga skwelahan sa Jaro Iloilo at ang pagrarasyon ng pagkain ng panahon ng Hapon upang tugunan ang kumakalam na sikmura ng mga mamayan. Sa larangan naman ng pamamahayag, ayon sa ilang advertisements na inere sa telebisyon at sa ilang mga akdang nakasulat, malaki ang ginampanan ng mga institusyong Lopez sa pagpaparating sa mga tao ng mga tunay na nangyayari sa bansa nung mga panahon ng diktaturya at sa pagtataguyod ng demokrasya sa lipunang Pilipino. Ginampanan ng mga instituyong Lopez ng tapat ang kanilang tungkulin bilang mamahayag, kahit sa puntong ipasara at maipaisailalim na sila sa pamamalakad ng pamahalaan. Kung ito lamang ang ating kokonsiderahin, siguro dapat natin ilagay sa isang pedestal ang angkan ng mga Lopez dahil hindi biro ang kanilang naging ambag sa lipunan sa larangan ng pulitika, ekonomiya at pagkakawang-gawa.


Pakikipagpalitan ng Pabor

Ngunit nabigo ang karamihan ng mga aklat tungkol sa mga Lopez na ikuwento ng buong katapatan ang mga kaganapan na humantong sa pagkakaroon ng pamilyang ito ng lakas at impluwensiya sa lipunan. Tinanggal o kaya naman ay sinadyang hindi na isama ang mga detalyeng maaring makasira sa reputasyon ng mga Lopez sa pagbuo ng kanilang mga kuwento. Hindi nabanggit halimbawa kung papaano sinakyan ng pamilyang Lopez ang kahinaan ng Pamahalaan sa Iloilo upang payamanin ang kanilang mga sarili. Hindi rin nabanggit ang kanilang pakikipagtulungan sa mga criminal at sa mga gangster sa Iloilo para madomina ang transportation business. At mas lalong hindi nabanggit na nakaraos sila sa ikalawang digmaang pandaigdig dahil sa kanilang pagmamanyobra sa pulitika. Mula sa akda ni Al Mccoy na Anarchy of Families umusbong ang mga Lopez, hindi sa sarili nilang pagpupursigi kundi sa mga istrukturang panlipunang nagbigay sa kanila ng kakayahang umunlad. Pinrensenta ni Al Mccoy ang isang anggulo kung saan ang kagalingan ng mga Lopez ay hindi nakatuon sa kanilang kakayahang sunggaban ang mga oportunidad na nagpiprisenta sa larangan ng negosyo, kung hindi sa kanilang kagalingan sa paghahanap ng mga kahinaan ng gobyerno. Bago tuluyang nakalipad ang mga Lopez sa kalawakan ng pagnenegosyo, ginamit muna nila ang pangangailangan ng mga pulitiko ng suporta ng mga native elite para maluklok sa pamahalaan. Kapalit nito, nabigyan sila ng ilang pabor sa kanilang mga lalawigan. Nagkaroon sila ng monopolya sa industriya ng produksyon ng asukal at transportasyon sa Iloilo na naging dahilan ng kanilang pagyaman. Dahil dito hindi nagkaroon ng pagkakataon ang ibang mamumuhunan sa Iloilo na umunlad at nabuo ang konsepto ng weak state—paghina ng control ng gobyerno sa mga lalawigan dahil sa pagusbong ng kapangyarihan ng mga elite.


Ang Resulta: Social Injustice

Sinasabi na sa mga bansang industriyalisado, ang mga namumunong puwersa sa lipunan ay ang mga organisasyon na binubuo ng lehislatura, eksekutibo, mga union at ng mga partido. Ngunit sa isang least developed country tulad ng Pilipinas, ang namumuno ay ang mga elite families. Isa na rito ang mga Lopez. Pinapahintulatan kasi ng istruktura ng mga mahihirap na lipunan ang sistema ng patronage politics kung saan nalulukok sa pamahalaan ang mga taong nakukuha ang pabor ng mga elitist at kung saan naman nabibigyan din ng napakalaking pabor ang mga elite sa mga lalawigan. Ang resulta, ang halalan ay hindi representante ng mga taong nais ihalal ng taumbayan upang sagutin ang mga isyung panglipunan. Sa halip ang halalan ay isang representasyon ng mga taong personal na pinili ng mga elite. Lingid pa dito, dahil nga sa pagpapalitan ng pabor ng mga pulitiko at ng mga elite, ang mga batas na naisasakatuparan sa lipunan ay mga batas na para sa mga elite at gumagana laban sa mga trabatante ng mga negosyo ng mga ito—mga pesante at mga manggagawa. Ang mapanikil na mga batas at hindi pagkakapantay sa lipunan ay marahil dulot ng ganitong klaseng mga istruktura. Ito ay nagdulot ng mga unrest sa nakaraan at hanggang ngayon ay hindi pa ganap na natutugunan n gating pamahalaan


Dakila nga ba ang mga Lopez?

Mula sa mga nasabi na, paano nga ba natin dapat tignan ang mga Lopez? Siguro, ang masasabi sa ginawa nating pagsusuri ay ito. Kung titignan natin ang mga nagawa ng Lopez para sa ating lipunan, marahil ay maituturing silang mga bayani. Nakatulong sila sa lipunan sa mga institusyon at mga negosyong ginawa nila sa tatlong aspeto—ekonomiya, pulitika at pagkakawanggawa. Madali natin sabihing napakagaling nila dahil karamihan ng mga bagay na direkta nilang ginawa ay para sa ikabubuti ng lipunan. Nagkaroon tayo ng mga institusyon ng pamamahayag, nabigyan ng trabaho ang maraming tao dahil sa kanilang negosyo at maraming bata ang nabibigyan ng pagkakataong mag-aral dahil sa mga programa nila ng scholarship.Pero ang pag-angat nila sa kapangyarihan ay dumaan gamit ang sistemang mapangabuso. Ang pag-akyat nila sa kapangyarihan ay nakakabit sa patronage politics na oo nga’t nagbigay sa kanila ng kakayahang gawin ang mga bagay na iniambag nila sa bayan pero sa parehong panahon ay naging dahilan din ng mga suliranin ng mga manggagawa at mag pesante. Lingid pa rito, ang pag-iral ng mga elite sa mga lalawigan ang dahilan kung bakit hindi ganap mapanghawakan ng gobyerno ang pamamalakad sa bansa. Sa paggamit ng mga Lopez sa pultika upang magkaroon ng kapangyarihan, nagambag sila sa mga problemang hindi malutas-lutas ng bansa.


Sources:

1. Eugenio H. Lopez, Sr. : pioneering entrepreneur and business leader / edited by Jose V. Abueva. (2001)
2.Ferdinand Marcos and the Philippines : the political economy of authoritarianism / Albert F. Celoza. (1997)
3. Public goods, redistribution and rent seeking / Gordon Tullock.
4. Phoenix: the saga of the Lopez family vol 1/ Raul Rodrigo
5. Passing the torch: the Lopez group at eighty 1928-2008
6. Kinship Politics in post-war Philippines:the Lopez family 1945-1989/ Mina Roces
7. Anarchy of Families/ Al McCoy
 
Source here

Share

0 comments:

Disclaimer

For more information, follow us on Twitter - @KapamilyaOne or like us on Facebook - Team Kapamilya.

All images used are sourced from the internet and are in the public domain. We claim no credit for any images or videos featured on this site unless otherwise noted.

All visual content is copyright to its respectful owners. If you own rights to any of the images or videos, and do not wish them to appear on this site, please contact us and they will be promptly removed.

Information on this site may contain errors or inaccuracies; the site's owners do not make warranty as to the correctness or reliability of its content. This site is not responsible for content of external internet websites that this blog may inadvertently linked to and is not responsible for the availability of such third-party websites. The content of such third-party websites is beyond our control.

The Believers!